Mistulang nagdurugo ang kalangitan sa lalawigan ng Jambi, Indonesia nitong weekend dahil sa pamumula nito dulot ng malawakang forest fires.
Ang haze ay bunsod ng open burning o pagsisiga sa Indonesia na kadalasang nangyayari sa panahon ng tagtuyot tuwing Hulyo hanggang Oktubre.
Napaulat din na may papel din ang malalaking mga korporasyon at small-scale farmers sa forest fires dahil sa vegetation clearing tuwing dry season.
Paliwanag ng mga dalubhasa, ang pamumula ng langit ay dahil sa phenomenon na kung tawagin ay “Rayleigh Scattering.”
Ayon sa mga eksperto, nangyayari ang Rayleigh Scattering sa tuwing ang sinag ng araw at ikinakalat ng usok, alikabok at iba pang mga airborne particles na naglalabas ng mas mahabang wavelengths na nasa orange o pulang spectrum.
Samantala, pinag-aaralan na umano ng mga otoridad sa Indonesia ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga kumpanyang mapapatunayang nanununog ng kagubatan.
Sinabi ni Rasio Ridho Sani, director general ng law enforcement sa environment ministry, kinokonsidera nila ang paggamit ng anti-money laundering law laban sa mga nagsusunog ng forest areas. (Reuters)