LEGAZPI CITY – Nakilala na ng NBI ang may ari ng anim na kalansay na nadiskobre sa isang mass grave sa pribadong lupain sa kabundukan ng Barangay Molosbolos, Libon, Albay.
Ayon kay NBI-Bicol regional director Pateros Morales, bangkay ang mga ito ng mag-kuya at isang babae na pawang mga kontraktor ng government projects na nakidnap noon pang Hunyo 2021, fish vendor at magkapatid na reseller na dinukot rin ngayon lamang na Marso 2022.
Nakilala umano ang mga biktima sa pamamagitan ng mga gamit na nakuha mula rito subalit hindi na muna pinapangalanan ng mga otoridad at ipinapaubaya na muna sa kanilang mga kaanak ang pagsasapubliko ng pagkakakilanlan nito.
Magsasagawa rin ang mga otoridad ng verification gamit ang dental record ng mga kalansay upang makumpirma ang pagkakakilanlan nito.
Pinaniniwalaan ng NBI na kagagawan ito ng Gilbert Concepcion Criminal Group na tino-torture umano ang kanilang mga biktima bago ito patayin at ilibing sa lugar.
Nabatid na matagal ng pinaghahanap ng PNP ang mga miyembro ng criminal group na responsable sa maraming mga krimen kagaya ng pamamaril kay Malinao, Albay mayoral candidate Engr. Nelson Morales habang nasa simbahan noong Setyembre 2012, pagpatay kay Lupi Mayor Leo Raul Matamorosa habang nasa appliance repair center sa Naga City noong Oktubre 2012, at pagpatay sa radio anchor na si Joey Llana habang nagmamaneho ng sasakyan sa Daraga, Albay noon namang Hulyo 2018.
Ngayong araw ay muling babalik ang NBI sa lugar upang magsagawa pa ng paghuhukay dahil may ilan pa umanong naireport na missing na pinaniniwalaang mahahanap rin sa mass grave.