CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang maraming sibilyan sa engkwentro ng mga armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.
Ayon sa ulat ng pulisya nagkasagupa ang mga armadong grupo sa bahagi ng Sitio Gantong Brgy Takepan, Sitio Balibit, Brgy Buliok at hangganan ng Brgy Bulol at Brgy Talitay, Pikit, Cotabato.
Dahil sa takot ng mga sibilyan ay lumikas ang mga ito patungo sa mga ligtas na lugar sa bayan ng Pikit.
Doble pahirap ngayon ang dinanas ng mga sibilyan dahil sa takot na maipit sa gulo, sobrang init ng panahon at biglaang pag-ulan, gayundin nasa puasa (fasting) dahil sa ramadan at ang krisis dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ang nagkasagupang grupo ay pawang mga miyembro umano ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Moro National Liberation Front (MNLF) na may personal na alitan sa kanilang mga pamilya dahil sa rido.
Medyo humupa ang palitan ng putok sa magkabilang panig nang mamagitan sina Pikit Mayor Sumulong Sultan, Board Member Dulia Sultan, Pikit Vice-Mayor Muhyryn Sultan-Casi, mga Muslim elders at mga lider ng mga Moro fronts.
Naging emosyunal naman si BM Sultan dahil sa dami nang nagsilikas na mga sibilyan sa Brgy Nunguan, Balungis at Balatikan na sakop ng Pikit, Cotabato.
Labis na nasaktan si Sultan dahil sinusunog ng mga armadong grupo ang mga kabahayan at kinukuha ang mga personal na kagamitan ng mga sibilyan na nagkataon na ramadan pa.
Mistulang ghost barangay na ang mga lugar na may presensya ng mga armadong grupo.
Nanawagan si BM Sultan sa liderato ng BARMM, MILF, MNLF, pulisya, militar at provincial government ng North Cotabato na magtulungan para matigil na ang labanan dahil napakaraming sibilyan na ang lumikas at naapektuhan sa gulo.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak ang mga nasawi at mga nasugatan sa mga naglalabang grupo.