-- Advertisements --
vp leni

Pinangunahan ni Vice President Leni Robredo ang pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park, Maynila.

Ganap na alas 8 ng umaga nang pangunahan ni VP Robredo ang pagwawagayway sa watawat ng Pilipinas saka sinundan ng pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Dr. Jose Rizal.

Kasama ni Robredo sa okasyon sina Manila mayor Erap Estrada, Finance Sec. Sonny Dominguez at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Sa kanyang mensahe na ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Robredo na ngayong araw ay kinikilala natin ang lahat ng nagsumikap at lumaban para matupad ang pangarap ng isang malayang Pilipinas at para sa karapatan ng bawat Pilipinong panghawakan ang sarili niyang kinabukasan.

Ayon kay Robredo, kinikilala rin daw ang mga sakripisyong ginawa ng magigiting na bayani ng ating kasaysayan na nagbigay-daan para sa mga kalayaang tinatamasa at iniingatan natin ngayon.

Kaya huwag daw kalimutan ang nakaatang na responsibilidad sa bawat isa sa atin na masigurong nabubuhay tayo sa isang Pilipinas kung saan umaangat ang bawat isang mamamayan.

Iginiit ng bise presidente na bilang mga lingkod bayan, nasa kanila ang pananagutang pangalagaan ang pangarap na ito para sa bawat Pilipino kung saan lahat ay kabahagi at walang maiiwan at lahat ay may pantay-pantay na oportunidad sa pag-unlad.

“Paghugutan sana natin ng lakas ang araw na ito upang harapin ang mga hamon na hinaharap ng bansa. Nawa’y pukawin ng pagdiriwang na ito ang isang malalim na pagmamahal para sa bayan, at maging paalala sa bawat isa ng kung ano ang kaya nating marating sa ating pagbabayanihan,” ani Robredo.