KALIBO, Aklan – Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nangyaring nakawan sa isang hotel sa kasagsagan ng selebrasyon ng Ati-atihan Festival 2020 sa Kalibo, Aklan.
Kinilala ang biktima na si Luz Villa-Tan, 71, residente ng Villa Arevalo, Iloilo City at pansamantalang tumuloy sa nasabing establisyemento na nasa Toting Reyes St., Brgy. Andagao, Kalibo, Aklan.
Kwento ng biktima sa Kalibo PNP, umalis siya sandali kung saan iniwanan nito ang mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit P200,000.
Sa pagbalik umano nito sa kanyang silid ay hindi na niya mahagilap ang mga alahas kabilang ang wedding ring na gawa sa diamond.
Dito na niya napansin na nakabukas ang pintuan ng kuwarto kung saan, doon maaaring dumaan ang suspek at mabilis na nakapasok kung saan tinangay ang lahat ng kanyang mga alahas.
Ang biktima ay dumayo lamang sa bayan ng Kalibo upang saksihan ang kapiyestahan ng patron saint Sr. Sto. Niño de Kalibo at ang itinuturing na Mother of All Philippine Festival.