-- Advertisements --

KALIBO, Aklan-Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 o possession of dangerous drugs at Section 12 o possession of drug paraphernalia ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang festival goer makaraang mahulihan ng marijuana sa kasagsagan ng selebrasyon ng Sto. Niño Ati-atihan festival 2020 sa Kalibo, Aklan.

Kinilala ni deputy chief of police Major Joel Bulfa ang suspek na si Simone Francisco, 30, at residente ng Lawaan, Roxas City, Capiz.

Aniya, inaresto ni Police Corporal Donald Alvarado ang suspek matapos na makapkapan ang isang sachet ng marijuana at kinumpiska ang bag nito na naglalaman ng improvised glass pipe at residue ng nasabing droga.

Ayon pa kay P/Major Bulfa, naging aktibo ang mga kapulisan buong araw sa pagbantay sa kapiyestahan ng patron saint Sto. Niño de Kalibo lalo na sa mga inilagay na screening areas.

Mahigpit din umano ang kanilang pagbabantay sa gabi upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng lahat.

Samantala, sinabi naman ni P/Corporal Alvarado, maraming tao ang pumapasok sa screening area kung saan, ang nasabing suspek ay lasing at tinangkang pumasok ng festival zone area dala ang illegal na droga.

Ngunit, agad itong napansin sa kanya at pinabulaan nito na kanya ang marijuana kasabay ng pagluhod sa harap ng mga pulis at nagmakaawa.

Kaugnay nito, kaagad dinala si Francisco sa tanggapan ng pulisya kung saan siya kasalukuyang nakakulong para sa karampatang disposisyon.