-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Sa kabila ng pagbuhos ng malakas na ulan, hindi nagpaawatd ang libo-libong mga deboto na makibahagi sa religious procession na isinagawa ng St. Jhon the Baptist Cathedral bilang bahagi ng huling araw na kapiyestahan ng patron saint Sr. Sto. Niño de Kalibo.

Ipinarada sa mga pangunahing kalsada sa bayan ng Kalibo, Aklan ang imahe ng Sto. Niño na isinakay sa karo na may iba’t ibang palamuti.

Una rito, mistulang hindi mahulugan ng karayom ang mga bisita, deboto at turista na dumalo sa misa kaninang umaga na pinangunahan ng obispo ng Diocese of Kalibo na si Most. Rev. Jose Corazon Talaoc kasama ang ilang pari sa buong lalawigan ng Aklan.

Samantala, nagpapatuloy ang phone signal shutdown ng mga telecommunication company sa buong bayan para sa kaligtasan ng mga festival goers na nakikisaya sa itinuturing na Mother of All Philippine Festivals.