KALIBO, Aklan- Sa kabila ng pagbuhos ng malakas na ulan sa Kalibo, Aklan, hindi nagpaawat ang nasa 93 grupo at tribu na sumali sa Opening Salvo na may temang “Pag-umpisa” (Pagsisimula) ng Santo Niño Ati-atihan Festival 2020 kasabay ng foundation day ng nasabing bayan.
Sinimulan ito ng misa sa St. John the Baptist Cathedral, kung saan, sa kauna-unahang pagkakataon ay binasbasan ang mga uling na ipinahid sa mga deboto gayundin ang mga instrumento na ginamit ng iba’t ibang grupo.
Kaugnay nito, libo-libong katao kabilang ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang nanood at sumali sa “sadsad” o street dancing sa mga pangunahing lansangan sa bayan.
Ang “Pag-umpisa” (Pagsisimula) ay sneak peak ng Ati-Atihan Festival 2020 o ang mga inaasahang masaksihan sa selebrasyon ng itinuturing na “Mother of all Philippine Festival”.
Samantala, mahigpit naman ang seguridad na ipinatupad ng Kalibo Police Station sa festival area upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.