-- Advertisements --

(Update) KALIBO, Aklan – Inilagay na ng local government unit (LGU)-Kalibo, Aklan, sa state of calamity ang kanilang lugar kasunod ng pagkasunog ng public market dakong alas-12:15 ng hatinggabi kanina.

Sa ginanap na special session ng Sangguniang Bayan ng Kalibo, “unanimously” ang naging pasya ng mga opisyal upang matulungan agad ang mga apektadong negosyante matapos na maabo ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan sa loob ng halos tatlong oras na paglamon ng apoy.

Napagkasunduan din ng mga ito na pansamantalang bigyan ng relocation site ang mga biktimang negosyante upang maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang hanapbuhay habang itinatayong muli ang pampublikong pamilihan.

Sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), sinabi ni Provincial Fire Marshall Superintendent Nazrudyn Cablayan na halos 80 porsiyento ng public market ang totally burn.

Nas 276 stalls pa lamang aniya ang kanilang naitala na kinabibilangan ng jewelry shop and remittance center, grocery stores, restaurants, beauty salon, processed meat and vegetables section at maraming iba pa.

Inaasahan aniya nila na tataas pa ang nasabing bilang sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng ahensya.

Samantala, patuloy na inaalam ng otoridad ang kabuuang pinsala ng sunog na umabot sa ikatlong alarma.