Natukoy ng Department of Environment and Natural Resources-Environment Management Bureau na very unhealthy ang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Metro Manila kaninang umaga.
Ito ay batay na rin sa isinagawang air quality index monitoring ng DENR kaninang 11am.
Kabilang sa mga lugar na nakitang may unhealthy na hangin ay ang Caloocan, Makati, Paranaque, at Pateros.
Paliwanag naman ng DENR-EMB, marami ang mga dahilan na maaaring sanhi ng lumabas na resulta.
Kinabibilangan ito ng buga ng usok mula sa maraming mga sasakyan o emission, man-made pollution, at iba pang mga usok.
Sinabi rin ng naturang tanggapan, na hindi ito volcanic smog o vog na galing sa Taal.
Paliwanag ng Environment Management Bureau na masyado umanong madami ang mga sasakyan na nagbubuga ng usok dahilan upang maipon sa hangin ang mga tinatawag na particulate matter.
Ang particulate matter ay mga bagay na kapwa solid o liquid, na nadadala sa hangin at nananatili dito.
Katwiran ng naturang tanggapan, madami ang mga sasakyan na nagbubuga ng usok, lalo na sa rush hour.
Kinumpirma rin ni DOST Secretary Renato Solidum na walang koneksyon ang smog sa kasalukuyang sitwasyon ng Metro Manila, at ang vog sa Taal Volcano.