BAGUIO CITY – Bumubuti ang kalidad ng tubig sa lungsod ng Baguio habang isinasagawa ang community quarantine.
Ayon kay Atty. Rhenan Diwas, officer-in-charge ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO), maliban sa hangin ay bumubuti din ang kalidad ng tubig sa siyudad.
Inihayag niyang naobserbahan ang mas magandang kalidad ng wastewater influent at effluent ng Baguio Sewerage Treatment Plant (BSTP).
Dahil dito, nakamit na ng lungsod ang kalidad ng tubig na alinsunod sa quality standard ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ipinaliwanag ni Diwas na malaki ang naging kontribusyon ng nabawasang papulasyon ng lungsod dahil sa pag-uwi ng mga boarders kasabay ng community quarantine.
Idinagdag niyang nakatulong din ang pagsara ng mga malalaking gusali at ang limitasyon ng operasyon ng merkado publiko at slaughter house.