-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Malacañang na pangunahing concern ngayon ng pamahalaan ay matiyak ang kaligtasan ng mga pilipino sa Myanmar.

Tugon ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa nagaganap ngayong military takeover sa Myanmar kung saan kinuha at dinetine ang kanilang lider na Aung Sam Suu Kyi at iba pa nitong senior officials.

Sinabi ni Sec. Roque, kumikilos na ang embahada ng bansa sa Myanmar para tulungan ang mga Pilipino roon.

Ayon kay Sec. Roque, kung gusto ng mga Pilipino roon na umuwi rito sa Pilipinas ay gagawa ng paraan ang pamahalaan para sila maiuwi rito sa pamamagitan ng mga assets ng Armed Forces of the Philippines (AFP) gaya ng eroplano at barko.

Kung gusto naman daw ng mga Pilipino roon ng temporary shelter ay ginagawan na ito ng paraan ng embahada sa Myanmar.

Sa ngayon ay pinag-iingat ng Malacañang ang mga Pilipino sa Myanmar at umaasang babalik na sa normal ang sitwasyon sa lalong madaling panahon pero hindi umano nakikialam o nanghihimasok ang Pilipinas sa isang internal matter ng ibang bansa.