Nananawagan si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mapayapang resolusyon sa insidente ng pang-aagaw ng Iranian authorities sa isang Portuguese-flagged container ship, kung saan lulan ang apat na Pilipino seafarers dito.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na matiyak ang kaligtasan ng apat na Pilipinong manlalayag na sakay sa MSC Aries na inaagaw ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran noong Sabado ng umaga sa Strait of Hormuz.
Kumpiyansa naman si Speaker Romualdez na may mga hakbang ng ginagawa ang Department of Migrant Workers (DMW), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang pamilya ng mga tripulanteng Pinoy.
Aniya, sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa Department of Foreign Affairs, ship manager, operator at manning agency para makalaya ang mga Pilipinong manlalayag.
Sinabi pa ni Speaker Romualdez na mahalaga ang kooperasyon at kagyat na pagkilos para sa mapayapang pagresolba sa sitwasyon.
Kinumpirma naman ng operator ng barko ang ginawang pagkuha sa cargo ship at nakikipag-ugnayan umano ito sa mga otoridad upang maayos na mabawi ang barko at matiyak ang kaligtasan ng 25 crew member nito, kasama na ang apat na Pilipino.