LEGAZPI CITY — Nilinaw ng Simbahang Katolika ang ilang paniniwala ng mga tao na hindi naayon sa totoong tradisyon ng Semana Santa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Diocese of Legazpi Social Action Center Director Father Rex Arjona, tinawag nitong fake news o hindi totoong kaligtasan ang dala ng pagpapapako sa krus ng ibang mananamplataya na isinasagawa tuwing Biyernes Santo.
Hindi rin aniya totoo na ipinagbabawal ang pagligo pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ng Biyernes Santo o kasabay ng pagkamatay ni Hesus.
Dagdag nito na wala ring katotohanan na mas makapangyarihan ang pangungulam sa araw ng pag-alala sa pagkamatay sa lupa ni Kristo.
Ayon kay Arjona, kung hindi naman makakasama sa paniniwala, hindi naman kumokontra ang simbahan subalit kung apektado ang pananampalataya at nakakasama, marapat lamang na itama ito ng simbahan.
Abiso pa ng pari na mas maiging sundin ang mga tradisyon na batay sa kautusan ng simbahan at ng Diyos na mas magpapalalim sa paniniwala ng bawat isa.
Samantala, nakadepende rin umano sa mga parokya ang isasagawang aktibidad kaugnay ng Semana Santa kung saan ang iba may mga pakumpisal, recollection at may prusisyon pa.