-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY-Patuloy ang paghahanda ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga para sa selebrasyon ng 14th Bodong Festival at 28th Founding Anniversary ng lalawigan sa February 14.

Sinabi ni Grace Kidang Flores, human resource management officer ng Kalinga na maraming aktibidad sa nasabing malaking selebrasyon kung saan ay imbitado ang lahat na nagnanais na masaksihan at matunghayan ang kultura ng Kalinga.

Ayon kay Flores, isasagawa ang kauna-unahang Kalinga trail challenge o ang Lumin-awa Mountain Trekking Adventure magsisimula sa Pebrero 2- 4 at ang ruta ay mula Balatoc papuntang Colayo sa pasil hanggang makarating sa Buscalan, Tinglayan.

Magkakaroon din aniya ng bike fest para sa lahat ng mga bikers at off road challenge.

Sa Pebrero 6 naman ang formal declaration ng pagbubukas ng Kalinga Founding Anniversary at Bodong Festival.

Sinabi ni Flores na ang iba pang highlights sa selebrasyon ay ang ‘Awong chi gangsa, agtu’n na banga’ o ang ‘The call of a thousand gongs, the dance of a thousand pots’.

Ayon kay Flores, tatangkain nila na mailista sa Guiness book of world records ang nasabing event na may pinakamarami na tutugtug ng gangsa at maglalagay ng banga sa sa ulo habang sumasayaw kasabay ng gangsa.

Idinagdag pa ni Flores na hindi rin mawawala ang Miss Kalinga, trade fair, fashion show na tampok ang mga designs mula sa lalawigan na gawa mula sa paghahabi, street dance at maraming iba pa.