-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Opisyal nang binuksan ang isang linggong selebrasyon ng ika-108 na pagkakatatag ng probinsya ng Cotabato o ang Kalivungan Festival 2022.

Pagkatapos ng thanksgiving mass, pinangunhan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Talino-Mendoza at panauhing pandangal Senator Mark Villar ang isang ribbon cutting ng Agri-Fair o Market-Market sa Kapitolyo sa The Basket sa Capitol Grounds bilang hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang sa buong lalawigan.

Sinabi ni Villar na nagpasalamat siya sa suporta ng Cotabateños noong eleksyon at nangakong tutulong sa mga proyektong makakapagbigay ng kaunlaran sa probinsya.

Matatandaan na isa si Villar sa mga nanguna sa “build build build” project ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim ng Department of Public Works and Highway (DPWH).

Umaasa ang senador na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ay mas palalawakin pa ng isinusulong niyang “build build build” act ang kaunlaran sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa North Cotabato.

Nanawagan naman si Governor Mendoza sa mga Cotabateños na makiisa at makisaya sa Kalivungan Festival.

Sa ngayon ay naghigpit pa ng seguridad ang mga otoridad palibot sa kapitolyo at buong probinsya sa isang linggong selebrasyon ng Kalivungan Festival.