CENTRAL MINDANAO-Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Kabacan Cotabato sa pangunguna ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. nagpasalamat ito sa mga organisasyong nagsasagawa ng mga medical mission sa bayan.
Aniya, mapalad ang bayan lalo’t kaliwa’t kanan ang mga medical mission sa bayan na kung saan mga Kabakeño ang nakikinabang.
Dagdag pa nito, may kahalintulad na regular na programa ang bayan ngunit nagkakaroon ng kakulangan ng mga personnel na magsagawa nito kung kaya’t lubos ang pasasalamat ng alkalde sa mga organisasyong nagsasagawa nito.
Siniguro naman nito na magsasagawa ng Unlad Caravan-Serbisyo Publiko ang lokal na pamahalaan katuwang ang liga ng mga barangay na kung saan maliban sa medical mission ay mga programa ng pamahalaan ang ihahatid sa mismong pinto ng bawat Kabakeño.
Hinikayat din ni Mayor Guzman ang mga sumasailalim ng chemotherapy at dialysis na magpalista sa kanyang tanggapan upang mabigyan ng tulong para sa nasabing medikal na atensyon.
Samantala, binigyang linaw din ng alkalde ang ilan sa mga issue na umiikot sa bayan. Isa nga rito ang daan sa Brgy. Aringay papuntang Brgy. Bannawag.
Aniya, ang daang ito ay provincial road at batay sa kautusan ay hanggang rehabilitation lamang ang puwedeng magawa ng lokal na pamahalaan.
Ngunit sinabi nitong Notice to proceed o NTP na lamang ang inaantay upang masimulang maipasaayos ang daan.
Hinimok naman ni Mayor Guzman ang publiko na kilalanin at alamin ang totoong impormasyon sa bawat kandidato na tumatakbo sa bayan lalo’t Kabakeño ang dapat masunod at bigyang prayoridad sa mga programa.
Dagdag pa ng alkalde na mas mainam na iwasan ang paglalabas ng mga issue na walang katotohanan at ipakilala na lamang ng bawat kandidato ang kanilang plano para sa bayan at hayaang Kabakeño ang magdesisyon.
Binigyang punto din ni Mayor Guzman na sana’y naipakita ng Unlad Kabacan ang kakayahan ng bayan na maging sentro ng ekonomiya na kung saan ang mga Kristyano, Muslim, at IP ay may maayos na ugnayan na nagdudulot ng kapayapaan at kaayusan sa bayan na nagreresulta sa mayabong na ekonimiya ng Kabacan.