-- Advertisements --

Daan-daang libong mga supporter ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang sumama sa mga malawakang prayer rally at motorcade ngayong araw, Marso 28, kasabay ng ika-walumpong taong kaarawan ng dating pangulo.

Batay sa inilabas na schedule ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN), humigit-kumulang walumpong lugar sa buong Pilipinas ange nagsisilbing venue ng mga pagtitipon kung saan sa Mindanao ay hanggang 45 lugar ang inisyal na tinukoy bilang venue.

Sa Visayas, hanggang 20 lugar ang nagsilbing venue habang sa Luzon ay mayroong inisyal na labinlimang magkakaibang lugar.

Dala-dala ng mga ito ang mga placard at tarpaulin kung saan nakasulat ang kanilang pagbati sa dating pangulo, kasama na ang kanilang kahilingang agad siyang mapauwi sa dito sa bansa mula sa The Hague, Netherlands.

Maliban sa mismong pag-aalay ng panalangin, nagkaroon din ng mga programa sa ilang mga lugar, tulad ng pag-awit ng birthday song para sa dating pangulo, pagpapahayag ng suporta, pagwawagayway sa dala-dalang bandila ng bansa, concert, atbpa.

Ang malawakang rally at motorcade ay tinawag na ”global tribute to Tatay Digong” kung saan maging sa iba pang bahagi ng mundo ay mayroon ding kahalintulad na aktibidad.

Ang mga ito ay pinangunahan ng mga overseas Filipino workers (OFW) na isa sa mga pangunahing sumuporta sa dating pangulo noong 2016 Presidential and Local Elections.