-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Hindi makakatulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang mapalaya at mapawalang sala sa kasong hinaharap nito sa International Criminal Court (ICC) ang mga isinasagawang kaliwa’t kanang protesta at batikos ng kaniyang mga tagasuporta mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Jude Mangilog, isang law professor at secretary ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Aklan Chapter na hindi mapapalaya ang dating Pangulo sa mga ganitong istratehiya dahil ang ICC ay isang independent institution kung saan, ibinabase ang kanilang desisyon sa kung anu ang mapatunayan ng prosecutor at ebidensiya ng defense team.

Payo nito na iwasan ng mga pro-Duterte na atakihin ang ICC bilang institusyon dahil sa may kaukulang proseso na sinusunod.

Dagdag pa ni Atty. Mangilog na mahalagang sundin ang rule of law at iwasan na magpadala sa mga emosyon.

Sa ngayon aniya ang status ni Duterte ay inosente pa sa mga kasong inihabla laban sakaniya na crimes against humanity dahil sa inilunsad nitong war on drugs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Sakaling makumpirma ang charges sa gaganapin na hearing sa Setyembre 23 at ipag-utos ng hukuman na ipagpatuloy sa trial, inaasahan na magtatagal ito ng walo hanggang sampung taon.