KALIBO, Aklan — Kaliwat-kanan pa rin ang mga putukan at pagsabog sa kabisera ng Damascus.
Subalit, inihayag ni Bombo International News Correspondent Lea Rosales ng Damascus, Syria na ito ay bahagi na ng pagdiriwang ng mga Syrian sa pagbagsak ng rehimen ni Bashar al-Assad.
Nabatid na napilitang tumakas si Assad matapos sakupin ng mga rebelde ang kabisera ng Damascus, kung saan binigyan ito ng asylum ng kaalyadong Russia.
Nagtipon aniya ang mga tao sa mga kalsada upang magdiwang sa pamamagitan ng mga sigaw at dasal.
Sa kabila nito, sinabi ni Rosales na patuloy ang paalala sa kanila ng Department of Foreign Affairs na manatili sa loob ng bahay kung walang mahalagang lakad.
Sa kasalukuyan umano ay balik na sa normal ang pamumuhay ng mga tao sa Syria maging ang trabaho sa gobyerno at ang klase sa mga paaralan.
Kahit ang internet at mobile phone systems ay ibinalik na sa bansa na naunang pinutol sa kalagitnaan ng major military operation.