TACLOBAN CITY – Pansamantalang isinara ang kalsada sa bahagi ng Brgy Binaloan, Taft Eastern Samar kasunod nang pagguho ng lupa bunsod ng malakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Tisoy.
Ayon kay PLT Ruben Pascual Caspe, Chief of Police ng Taft MPS, dumaosdos ang mga bato at lupa galing sa bundok at napunta sa gitna ng kalsada.
Dahil dito ay pansamantala munang hindi madadaanan ng anumang uri ng sasakyan ang naturang karsada dahil hindi pa tapos ang ginagawang clearing operations ng DPWH.
Ang naturang kalsada ay dinadaanan ng mga bumabiyahe galing Tacloban patungong Oras at Taft Eastern Samar pati na rin ang mga papuntang Northern Samar.
Samantala, hindi na rin passable sa kahit anong uri ng sasakyan ang Maharlika Junction ng Brgy. San Agustin Gandara Samar papuntang Pagsanjan, Samar.
Wala namang naiulat na nasugatan o casualty sa nangyaring insidente.