Bibigyang prayoridad ng bagong-talagang Philippine Army Commanding General, MGen. Romeo Brawner ang kasanayan, kalusugan at Morale ng mga sundalo.
Ayon kay Brawner, ang mga tropa ang pinaka-magandang “asset” ng Philippine Army, kaya kailangang tutukan ang kanilang kakayahan na gawin ang kanilang pangunahing trabaho na pakikipaglaban.
Hindi lang aniya sa internal security operations, kundi maging sa external defense kailangang mahasa ang mga sundalo.
Ayon kay Brawner, sisiguruhin niya na ma-“capacitate” ang mga sundalo para matapos ang trabaho na ibinigay ng Pangulo sa militar na tapusin na ang communist insurgency.
Pipilitin aniya nila na wakasan ang communist insurgency bago matapos ang termino ng Pangulong Duterte sa pamamagitan ng “highly competent, highly skilled, highly professional” na sundalo ng Phil. Army.
Sa Biyernes nakatakda ang turn-over ceremony sa Philippine Army kung saan pormal ng uupo bilang army chief si Brawner.