Tiniyak ng mga sports officials ng Pilipinas na mahigpit nilang binabantayan ang kaligtasan at kalusugan ng mga atletang nananatili ngayon sa mga bansang lubhang apektado ng coronavirus disease (COVID-19) outbreak.
Ilan kasing mga Pinoy athletes ang nasa ibang bansa ngayon upang magsanay para sana sa 2020 Tokyo Olympics, ngunit ipinagpaliban na muna ito dahil sa banta ng COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Tokyo 2020 chef-de-mission Mariano “Nonong” Araneta, nagbibigay ng report sa kanila ang mga national sports associations (NSAs) sa kondisyon ng kani-kanilang mga atleta.
Binigyan din aniya nila ng opsyon ang mga atleta kung nais ng mga ito na umuwi o manatili na lamang muna sa kanilang mga kinalalagyan.
Partikular na tinukoy ni Araneta ang pole vaulter na si EJ Obiena, kung saan pinapili ito kung uuwi o mananatili muna sa kanyang training camp sa Italy, na itinuturing na ngayon bilang “COVID-19 epicenter”.
Napagkasunduan na lamang na mananatili na lamang muna si Obiena sa Italy upang maiwasan ang posibilidad na dapuan din ito ng virus.
Maliban kay Obiena, ang weightlifting star na si Hidilyn Diaz ay nasa Malaysia sa ngayon, habang nasa Japan si Carlos Yulo ng gymnastics.
Pabor din si Araneta sa ginawang pagpapaliban muna ng International Olympic Committee (IOC) at ng Japanese government sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo.
“It was the most decent thing to do kasi hindi natin alam ang mangyayari pa sa susunod na mga buwan,” wika ni Araneta, presidente rin ng Philippine Football Federation.
“At least wala na ‘yung pagkaabala ng mga athletes na they prepared for something tapos biglang mapo-postpone lang,” dagdag nito.