KALIBO, Aklan—Libo-libong pamilya na ang apektado at milyon-milyong halaga na ang pinsala ng oil spill sa Caluya, Antique.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) Antique head Mr. Broderick Gayuna Train, nasa 7,198 families o katumbas ng 22,000 individuals ang apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Maliban dito, nasa P5.9 milyon pesos ang tinatayang danyos sa kabuhayan ng mga mamamayan kung saan, pinagbabawalan ang mga ito na mangisda at kumuha ng mga lamang dagat sa karagatang nasakop na ng oil spill.
Upang ma-contain ang pagkalat nito sa mga katabi pang isla ay naglagay na sila ng improvised oil spill boom na pinagtulungang gawin ng mga residente ng tatlong barangay na lubus na naapektuhan at inaasahan pang madagdagan ang mga ito sa paglipas ng mga araw.
Dagdag pa ni Train na magtatalaga ng personnel ang Provincial Health Office upang ma-assess ang kalusugan ng mga apektadong residente lalo na sa sampung pamilya na kasalukuyang nasa evacuation center dahil hindi na makayanan ng mga ito ang masangsang na amoy ng langis.
Namahagi na rin ng relief assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga mamamayan dahil sa pansamantalang kawalan ng kita at kabuhayan sa nasabing lugar.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim na ng state of calamity ang buong bayan ng Caluya, Antique.