Inamin ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na malaki ang naging papel ng kalusugan ng mga players sa pagpili nila ng Final 12 para sa kanilang kampanya sa 2019 FIBA World Cup.
Una nang inanunsyo na sina naturalized player Andray Blatche, June Mar Fajardo, Paul Lee, Japeth Aguilar, Troy Rosario, RR Pogoy, Gabe Norwood, Raymond Almazan, Mark Barroca, Kiefer Ravena, CJ Perez at Robert Bolick ang bubuo sa koponan ng Pilipinas para sa naturang prestihiyosong torneyo na idaraos sa China.
Sa isang panayam, sinabi ni Guiao na mismong ang sitwasyon na umano ang siyang nagpasya dahil sa may health issue ang ilan sa kanilang mga manlalaro.
Ayon kay Guiao, sina Poy Erram, Matthew Wright, at Marcio Lassiter na hindi na ikinonsidera sa line-up dahil sa injuries ang siya umanong nagpadali sa selection process ng mga miyembro ng Gilas coaching staff.
Gayunman, nilinaw ni Guiao na lahat naman ng players ay ipinakita ang kanilang makakaya upang patunayan na karapat-dapat silang mapabilang sa opisyal na roster.
Maliban sa kalusugan, naging factor din sa kanilang pagpili ang performance sa training camp sa Spain, at ang dalawang tune-up games kontra sa Adelaide 36ers.