Mahigpit na binabantayan ng Vatican si Pope Francis kung nakikitaan ba ito ng sintomas ng coronavirus.
Ito ay matapos na nakasalamuha niya si Cardinal Luis Antonio Tagle noong Agosto 29 na kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19 noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Secretary of State Pietro Parolin na nagiging maagap na sila para sa kalagayan ng 83-anyos na Santo Papa.
Paglilinaw naman nito, walang dapat ikaalarma dahil tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang pagbabantay sa kalusugan ng Santo Papa.
Magugunitang noong nakaraang linggo rin ay unang nakita ang Santo Papa na nakasalamuha ang mga tao sa Vatican kung saan tinanggal pa nito ang kaniyang suot na face mask at kinausap ang mga lumapit sa kaniya.
Noong Marso rin ay nagsuri na rin ang Santo Papa matapos na ang ilang opisyal ng simbahan na naninirahan sa Vatican ay nagpositibo rin sa COVID-19.