Todo panawagan na ngayon ang pamilya ng 34 na nawawalang online cockfighting o “e-sabong” enthusiasts sa gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang na tuparin na ang kanyang pangako na sila ay tutulungan sa imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Sinabi ng ilang pamilya ng mga biktima na nangako raw si Ang noon na tutulong kasunod ng mga pagdinig ng Senado sa pagkawala ng mga sabungero.
Humihingi na rin ang mga ito ng tulong kay Chief PNP Rodolfo Azurin at kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Romeo Caramat na siyang humahawak sa kanilang kaso.
Una rito, nakatanggap ang mga kaanak ng mga biktima ng manifestation na may kasamang submission of conformity na nakasaad na ang Fortun at Santos Law Office ay magbibigay ng legal service sa limang guwardiya na naisyuhan ng arrest warrants.
Ito ay kinumpirma naman ng abogadong si Atty. Raymond Fortun pero hindi na ito nagbigay pa ng karagdagang komento.