LA UNION – Nagkakaisa ngayon ang ilang mga naulilang kamag-anak ng mga overseas Filipino workers na namatay dahil sa COVID-19 sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) sa panawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na maiuwi ang bangkay ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Karen Pizza Penarroyo ng Sta. Rosa, Laguna, sinabi nito na mistulang binabalewala ng pamahalaan ang mga naging sakripisyo ng kanyang ama at ng iba pang OFWs na itinuturing na bayani na namatay sa COVID-19 kung hindi maibabalik sa Pilipinas ang kanilang mga labi.
Ayon kay Penarroyo, makakaasa naman ang pamahalaan na susunod sila sa anumang ipapatupad na protocol ng pamahalaan kung sakaling mapagbigyan ang kanilang kahilingan mabigyan ng disenteng burol ang kanyang ama at ang iba pang Filipino workers.
Isa namang palaisipan para sa magkapatid na Cryrille at Cresel Enriquez ng Bauan, Batangas na namatayan din ng ama sa KSA dahil sa COVID-19 ang pag-uwi sa bangkay ni Philippine ambassador to Lebanon Bernardita Catalla na nasawi sa naturang sakit.
Sabi ng magkapatid na Enriquez na kailangan din bigyan ng maayos na libing sa bansa ang lahat ng OFW na namatay dahil sa COVID-19.
Umaasa ang mga ito sa positibong tugon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang nagkakaisang panawagan.
Una nang iniulat ng DOLE na mahigit sa 50 mga Pinoy ang namatay sa Saudi dahil sa COVID-19 habang mahigit naman sa 300 ang namatay dulot ng iba pang kaso at sakit.