-- Advertisements --

Kasunod ng paghahain ng resignation ng ilang matataas na opisyal ng Department of Education, hinimok ngayon ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) si incoming Secretary Sonny Angara na maging maingat sa mga itatalagang mga opisyal ng ahensya.

Payo ng grupo sa susunod na kalihim, dapat ay iwasan nitong gawin ang mga kamalian na umano’y unang ginawa ng nakalipas na administrasyon katulad ng pagtatalaga ng mga retired military general na kulang ng akmang background at commitment sa sektor ng edukasyon.

Giit ng grupo, ang resignation na ginawa ng mga matataas na opisyal ng DepEd ay tiyak na magbibigay sa uupong kalihim upang buuin ang isang team na tunay na may pag-aalala sa naturang sektor.

Mahalaga anila, na ang naturang team ay may kakayahang tugunan ang mga kasalukuyang isyu at problema sa edukasyon sa bansa.

Maalalang kinumpirma ng DepEd ang resignation ng mga matataas na opisyal nito na kinabibilangan ng dalawang undersecretary at tatlong assistant secretary.

Noong kalagitnaan ng Hunyo nang ihain ni outgoing DepEd Sec. Sara Duterte ang kanyang resignation bilang kalihim ng ahensiya, na agad namang tinanggap ni PBBM.

Noong unang linggo ng Hulyo ay pinangalanan si Angara na papalit sa babakantehing posisyon ni VP Sara.