-- Advertisements --

Tumagal lamang ng mahigit apat na oras ang pagtalakay ng House Committee on Justice sa impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay makaraang agad na ibinasura ng mga miyembro ng komite ang reklamo matapos mapagkaisahan na insufficient in subtance ang complaint ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano.

Bomoto ang 42 mga miyembro ng komite na dumalo para sa pagdeklarang sufficient in form ang impeachment complaint, subalit ang nasabi ring bilang ang bomoto na kulang ito sa sustansiya na siyang tuluyang nagbasura sa reklamo ni Alejano.

Ang botohan ng mga miyembro ng komite ay naganap matapos ang mahigit isang oras na executive session, kung saan pinag-usapan nila kung magiging liberal ba sa pagtanggap sa kahalintulad na reklamo lalo na ang usapin ng sufficient in form.

Una rito, ilang oras na pinagdebatehan kaninang umaga ang pag-amin ni Alejano na wala siyang personal knowledge sa mga alegasyon na kanyang inihayag sa inihaing impeachment complaint laban kay Duterte.

Pero iginiit ni Alejano na ang lahat ng kanyang reklamo laban sa punong ehekutibo na siyang naging grounds ng kanyang impeachment complaint, ay pawang galing umano sa mga “authentic records.”

Pero nang hinanapan na siya ni Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas ng sinasabi nitong authentic records ay walang nailabas si Alejano.

Dahil dito, iginiit ni Fariñas na dapat ipinaubaya na lamang daw ni Alejano sa mga may personal knowledge ang mga alegasyon laban sa pangulo.

Dapat daw ay tumayo na lamang bilang endorser si Alejano sapagkat ang wala naman daw itong kaalam-alam sa mga asuntong ipinunto kontra sa Pangulong Duterte.

Kaugnay nito, maaari pa raw maharap sa kasong perjury at ethics complaint si Alejano sapagkat sinumpaan niya raw na totoo ang impeachment complaint pero ang lumalabas ay pawang hearsay lamang daw.

Nabatid na sa mga alegasyon laban kay Pangulong Duterte, ginawang basehan ni Alejano ang mga statement nina self-confessed Davao Death Squad (DDS) members Edgar Matobato at Arturo Lascañas sa pagdinig ng Senado.

Magugunitang itinuturo nina Matobato at Lascañas si Pangulong Duterte na nasa likod umano ng pagpatay ng DDS na aabot daw sa mahigit 1,000 katao noong alkalde pa ng Davao.

Maliban dito, ginawang basehan din ng kongresista sa kanyang reklamo ang pahayag ni Sen. Antonio Trillanes IV na hindi nagdeklara ng kanyang tunay na yaman at mga assets ang pangulo.

Gayundin ang 11,000 na umano’y ghost employees sa Davao City noong alkalde pa doon ang punong ehekutibo.

Giit naman ni House deputy speaker at Capiz Rep. Fred Castro na basura ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte.

Ngayon pa lamang ay nakikita na raw ni Castro na walang mararating sa House Justice Committee ang reklamo na inihain ni Alejano.

Giit pa ng kongresista, tatlong araw lamang daw tatagal ang pagtalakay hinggil dito bago ito tuluyang ibasura ng komite.

Katulad ng ilang kongresista, naniniwala si Castro na walang basehan ang impeachment complaint.

Samantala matapos ang botohan sa komite na ang chairman ay si Rep. Rey Umali, ire-report na sa plenaryo ang complaint para doon tuluyang i-dismiss.