-- Advertisements --
Rep Fidel Nograles
Rep. Fidel Nograles/ FB image

Ikinokonsidera ng Kamara na amyendahan ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Fidel Nograles, ito ay sa gitna na rin ng mga kontrobersyang lumutang sa implementasyon ng batas katulad na lamang ng paglaya ng ilang heinous o karumal-dumal na crime convicts.

Nagkakaroon kasi aniya ng kalituhan sa ilang probisyon ng GCTA Law, partikular na ang Article 29 versus Article 97.

May ilang exclusions kasi aniya sa Article 29 na nagsasaad tungkol sa credit para sa preventive imprisonment na hindi naman nakadetalye sa ilalim naman ng Article 97 ng batas.

“You have to reconcile because you have to harmonize the two provisions to give effect to all the provisions of the law so there has to be specific exclusions, specifically in article 29 you need to adopt these exclusions in Article 97, as well, in order to avoid confusion,” ani Nograles.

Kasabay nito, iginiit ng kongresista na hindi dapat entitled sa GCTA Law ang mga heinous crime convicts at dapat magkaroon ng malinaw na depinisyon ng karumal-dumal na krimen.

Sa mga nakalipas na linggo, naging sentro ng mga balita ang GCTA Law dahil sa pagkakalaya ng nasa 2,000 heinous crime convicts, at ang usapin hinggil sa abuso sa implementasyon nito.