VIGAN CITY – Nakahanda umano ang mambabatas na may-akda ng House Bill 8961 o panukala na buhayin ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para sa mga senior high school students na idinepensa ang panukala laban sa mga kritiko nito.
Kung maaalala, kahapon ay naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala para sa pagbabalik ng mandatory ROTC sa mga Grade 11 at Grade 12 students sa bansa kung saan umani kaagad ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga kritiko at sang-ayon dito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni deputy speaker at Batangas Rep. Raneo Abu na mas maganda umanong maituro sa mga kabataan ngayon ang tamang disiplina at pagiging makabayan sa pamamagitan ng pagsabak nila sa military training.
Samantala, para naman sa isang miyembro ng Makabayan bloc na kagaya ng Bayan Muna Partylist, hindi umano sila matitinag sa kanilang “no” vote hinggil sa nasabing panukala.
Ipinaliwanag ni Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi sila naniniwala na maituturo sa mga kabataan sa pamamagitan ng military training ang pagiging makabayan bagkus, maisasakop lamang umano sila sa militarisasyon ng gobyerno.