Kung hihilingin ni Davao City Rep. Paolo Duterte, nakahanda ang Kamara na i-extend o palawigin ang “travel authority” nito.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, kung gusto ng kongresista na manatili pa sa The Netherlands, karapatan niya ito.
Una nang inaprubahan ng Kapulungan ang travel clearance ni Rep. Duterte, para sa kanyang biyahe sa The Netherlands at Japan, mula March 15 hanggang April 15, 2025.
Ito ay kasunod na rin ng pagkaka-aresto sa kanyang tatay na si dating Pang. Rodrigo Duterte ng International Criminal Court o ICC sa pamamagitan ng Interpol.
Sinabi ni Velasco na pwede aniya na humingi ang kongresista o sumulat sa House leadership para sa extension ng travel authority o clearance.
Paliwanag pa ni Velasco, wala namang sesyon ang Kongreso at magbabalik pa sa June 2, kaya may pagkakataon talaga ang mga kongresista na magbakasyon o mangampanya para sa Eleksyon 2025.
Nilinaw din ni Velasco na wala silang paghihigpit para kay Rep. Duterte dahil ang biyahe niya ay “pribado” at ang papel ng Kamara ay “ministerial” lamang o nagbibigay lamang sila ng travel authority o clearance.