Nagpadala ng liham ang Kamara sa National Telecommunications Commission (NTC) para pakiusapan na bigyan ng provisional authority to operate ang ABS-CBN kahit nakatakdang mapaso ang prangkisa nito sa darating na Mayo 4, 2020.
Nakasaad sa liham nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Committee on Legislative Franchises chair Franz Alvarez sa NTC na payagan ang ABS-CBN na makapag-operate hanggang sa makabuo ng desisyon ang Kongreso sa franchise renewal application ng naturang media giant.
Ipinaabot din Kamara sa NTC na kanila nang nasimulan ang deliberasyon sa franchise renewal application ng ABS-CBN, at inatasan din ang lahat ng mga pabor at tutol na magsumite ng kanilang position paper.
Binibigyan diin ng liham na ito na tanging ang Kamara lamang ang may “exclusive original jurisdiction and authority” sa pagbibigay ng prangkisa.
Pero ayon kay Cayetano uunahin muna ng Kamara ang pagproseso sa ilang mas mahalagang panukalang batas tulad ng rehabilitasyon sa Batangas, prevention sa pagkalat ng COVID-19, pagtatag ng Department of OFW at Disaster Resilience at marami pang iba.
Sa kaparehas na liham, nakikiisa rin ang Kamara sa pagbibigay ng NTC ng provisional authority to operate sa subsidiaries ng ABS-CBN na pending din sa ngayon ang prangkisa sa Kamara tulad ng ABS-CBN convergence, Sky Cable corporation, at Amcara Broadcasting Network, Inc.
Kaugnay nito, naniniwala si House Deputy Speaker Johnny Pimentel na walang basehan ang pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN kapag mapaso ang prangkisa nito sa darating na Mayo.
Sa panayam kay Pimentel, suportado niya ang pahayag ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na hindi maaring magpatuloy ang operasyon ng ABS-CBN kapag nag-epxire ang kasalukuyang prangkisa nito.
Hindi rin aniya maaring magbigay ng provisional authority to operate ang National Telecommunications Commission (NTC) sa Lopez-led broadcast company dahil walang basehan ang regulatory body para sa temporary franchise na ito.
Wala kasi aniyang bigat ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilpinas, NTC at Kongreso para magpatuloy ang operasyon ng isang broadcast network kahit pending sa Kongreso ang franchise renewal application nito.