Inirekominda ni House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan sa pamahalaan ang pagbuo ng isang council na siyang tututok sa mga nakakahawang sakit tulad ng novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Ayon kay Tan, bubuuin ang council na ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na siyang magtutulungan sa pagpapatupad ng babalangkasin na national action plan for health security.
Sa pag-akyat ng bilang ng nag-positibo sa 2019 nCoV-ARD sa Pilipinas, at pagsulputan ng iba pang mga sakit, marapat lamang ayon kay Tan na paglaanan ng sapat na atensyon ang health security sa bansa.
Samantala, pinaalalahanan ng kongresista ang Department of Health na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa pagtatatag ng Epidemiology and Surveillance Units (ESUs) hindi lamang sa local DOH outposts kundi maging sa mga pampubliko at pribadong health facilities, pantalan at paliparan.
Pinatitiyak din nito sa kagawaran na nakakabot sa LGUs at frontliners ang mga mahahalagang impormasyon at protocols sa outbreak ng 2019 nCoV-ARD.
Umaapela rin si Tan sa DOH na paigtingin ang contact tracing sa mga taong nakahalubilo ng mga nagpositibo sa bagong strain ng coronavirus sa bansa.
Kahapon, kinumpirma ng DOH na umakyat na sa dalawa ang bilang ng nagpositibo sa 2019 nCoV-ARD, kung saan isa rito ay tuluyan nang binawian ng buhay.