Ipinakita ng House of Representatives na hindi pwedeng balewalain ang inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni dating Senator Leila De Lima na isa din sa mga naghain ng complaint.
Ang pahayag ni De Lima ay kasunod ng naging hakbang ng Kamara sa pag-impeached sa pangalawang Pangulo na naganap nuong huling araw araw ng sesyon bago ito mag break.
Sinabi ni De Lima ginawa lamang ng Kongreso ang tama at nararapat na hakbang para sa ating bayan.
Binigyang-diin ng dating Senadora na ang impeachment ay hindi personal na laban, hindi ito tungkol lamang kay VP Sara, hindi rin ito dapat tinuturing na pulitika.
Giit ni De Lima, ito ay laban ng mamamayang Pilipino sa pang-aabuso, katiwalian, at pagwawalang-bahala sa ating mga institusyon, pambabastos, kawalan ng respeto sa mga proseso na nilagay sa ating saligang-batas.
Aniya, maliwanag ang mga paratang laban kay VP Duterte gaya ng mabilis na paglustay ng milyun-milyong confidential funds nang walang maayos na paliwanag, ang paggamit ng posisyon para sa pansariling interes, at ang lantad na pagtatangkang sirain ang mga prosesong nagsisiguro ng pananagutan sa gobyerno.
Sabi ni De Lima ang mga akusasyon laban kay VP Sara ay malinaw na mga paglabag sa Konstitusyon, tahasang pagtataksil sa tiwalang ibinigay ng taumbayan.
Ipinunto nito na ang perang ginamit nang walang paliwanag ay pera ng taumbayanna dapat napunta sa edukasyon, gamot para sa may sakit at ayuda para sa mahihirap.
Aniya, hindi makatarungan na may mga mga pamilyang hindi makakain nang tatlong beses sa isang araw, may lider na gumastos ng milyon nang walang paliwanag.
Hamon naman ni De Lima ang mga kinatawan ng Kongrso na patunayan na kaya nila isantabi ang personal at pampulitikang interes at ipaglaban ang tama.
Nararapat lamang na maging patas at transparent ang proseso, at tunay na nagsusulong ng hustisya.
” Hindi puwedeng maging isang palabas lamang ito para pagtakpan ang katotohanan,” pahayag ni De Lima.
Nanawagan si De Lima sa mga grupong naghain ng impeachment complaints laban kay VP Sara na maging mapagmatyag at bantayan ang proseso ng impeachment.
Siniguro ni De Lima na kanilang banatayan ang proseso ng impeachment dahil may gagalaw na makinarya para pigilan o hadlangan ang impeachment.