Irerespeto ng House quad committee (Quadcom) ang desisyon ni dating PRRD na hindi pagdalo sa nagpapatuloy na pagdinig ukol sa kaugnayan ng extra judicial killings, illegal drugs trade, at Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ayon kay Committee Chair Cong. Ace Barbers, kung sakali mang dumalo sana ang dating pangulo, ibibigay ng komite ang respetong akma sa kanya bilang dating pinuo ng bansa ngunit dahil sa iginigiit niyang ayaw niyang dumalo, irerespeto umano ng komite ang naturang desisyon.
Ituturing din aniya ng komite na isang malaking karangalan kung dadalo ang dating pangulo.
Tiniyak din ng kongresista na hinding-hindi nila ipapa-cite in contempt ang dating pangulo bilang pagrespeto sa kanyang dating posisyon.
Una nang naimbitahan ang dating pangulo na dumalo sa mga serye ng pagdinig ng Quadcom dahil na rin sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa umano’y serye ng mga patayan na nangyari noong kasagsagan ng drug war.
Partikular na dito ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords na nasa loob ng Davao Prison and Penal Farm sa Davao Del Norte.
Ayon kay Barbers, dati nang naipadala ang imbitasyon para kay Duterte, mula pa noong unang mabanggit ang kanyang pangalan.
Kung aabot aniya sa puntong magsusulat na ang komite ng committee report at gumawa ng rekomendasyon, maaaring maraming pangalan ang madadawit sa naturang report, ibabase lamang aniya ang naturang report sa kung anumang testimonya at ebidensiyang nakalap ng komite.
Ayon sa mambabatas, ibabahagi ng komite ang resulta ng imbestigasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga korte para sa mas malaliman pang imbestigasyon.