Magbibigay ng P3 milyong reward ang House of Representatives (HOR) kay Carlos Yulo dahil nasungkit nito ang gold medal sa 2024 Paris Olympics.
Ito ang kinumpirma ni House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
” In recognition of his historic accomplishment, the House of Representatives is honored to award Carlos Yulo P3,000,000. This reward reflects our support for his continued success and our commitment to fostering Filipino talent on the international stage,” pahayag ni Cong. Zaldy Co.
Ayon sa Kongresista ipinakita ni Yulo ang kaniyang dedikasyon at hard work para mabigyan ng puri ang ating bansa.
Dagdag pa ni Co, ipinakita ni Yulo ang kaniyang determinasyon and resilience na kaya ng mga Filipino mag excel at makamit ang kadakilaan sa anumang larangan.
Napatunayan ni Yulo na kaya ng mga Pinoy makipagsabayan sa buong mundo.
“Siya ay isang inspirasyon sa lahat ng kabataan at sa mga nangangarap. Siya ang patunay na kapag may sipag at tiyaga, walang imposible,” pahayag ni Co.
Si Yulo ang kauna-unahang Filipino gymnast na naka sungkit ng gold medal sa men’s floor exercise sa 2024 Paris Olympics na ginanap sa Bercy Arena.
Siya rin ang naging unang medalist sa kampanya ng Pilipinas sa Paris, at ang pangalawang gold medalist mula sa bansa kasunod ng weightlifter na si Hidilyn Diaz na nanalo ng gintong medalya para sa weightlifting sa 2020 Tokyo Olympics.
Inihayag naman ni Yulo na ang kaniyang panalo ay inaalay niya ito sa sambayanang Filipino.
Si Yulo ay magkakaroon ng panibagong shot sa Olympic medal sa Linggo kapag sumabak siya sa vault finals.