-- Advertisements --

Aminado ang ibat-ibang law enforcement agencies gaya ng PNP, PDEA at NBI na kulang ang kanilang mga body worn cameras na gagamitin para sa ikakasang mga anti-illegal drug operations.

Layon kasi ng pagsusuot ng body worn cameras ay para maging transparent ang operasyon, maiwasan ang paglabag sa karapatang pantao lalo na sa PNP na may kinakaharap na mga reklamo ang extra judicial killings at ang umanoy pagtatanim ng ebidensiya.

Sa panig ng PNP mahigit dalawang libo ang na procure nilang mga body worn cameras at ginagamit na ito sa kanilang anti-illegal drug at law enforcement operations.

Gayunpaman kulang pa rin ito sa dami ng mga pulis sa buong bansa.

Ang PDEA naman ay may na procure na subalit hindi ito sapat at gumagamit sila ng mga alternatibong kagamitan gaya ng cellphone at camera at maging ang NBI ay kokonti lang kanilang mga body worn cameras.

Ang dahilan dito ay kakulangan ng pondo para sa procurement.

Ayon kay House Committe Chair on Dangerous Drugs Board chair Rep. Robert Ace Barbers na gagawan ng paraan ng komite para makakuha ng pondo para mabigyan ng body worn cameras ang mga law enforcement agencies lalo at halos lahat na ng mga bansa sa buong mundo ay gumagamit na nito.

Samantala, ibinunyag din ng PNP, PDEA at NBI sa committee briefing ang patuloy na pamamayagpag ng mga convicted drug lords sa kanilang illegal drug trade kahit nasa loob na ng kulungan ang mga ito.

Kaya ayon kay Rep. Barbers panahon na para matigil ang ganitong iligal na aktibidad.

Bubuo ng polisiya ang committee para hindi na maipagpapatuloy ng mga convicted drug lords ang kanilang iligal na gawain.

Binigyang-diin naman ng mambabatas na dapat pakatutukan din ng mga ahensiya ang pagpasok ng mga iligal na droga sa bansa lalo na at nalulusutan ito.