Magkatuwang na kumikilos ang tanggapan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tingog Partylist, at Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa agarang pagpapalabas ng P35 milyong pinansyal na ayuda at 17,500 food packs na inihahanda at ipapamahagi sa pitong distrito na apektado ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao Region.
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na nasa 45,000 na pamilya o 187,000 na indibidwal ang apektado ng pagbaha at landslides bunsod ng malakas na pag-ulan mula pa noong Martes dulot ng shear line.
Binigyang diin ni Speaker Romualdez, ang kahalagahan ng agarang pagtugon kasabay ng pagtiyak na hindi mapapatid ang pagkakaloon ng kinakailangang tulong sa Davao Region na naapektuhan ng kalamidad.
Pagtiyak naman nina Tingog Partylist Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre sa mga biktima na ginagawa ng administrasyong Marcos ang lahat para makatugon sa kanilang pangangailangan.
Ayon sa House Speaker, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para kagyat na mailabas ang P5 milyon sa kada pitong distrito ng Davao Region sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Ang naturang tulong pinansyal ay para sa mga distritong kinakatawan nina Reps. Maria Carmen Zamora (Davao de Oro, 1st District), Alan “Aldu” Dujali (Davao del Norte, 2nd District), Cheeno Miguel Almario (Davao Oriental, 2nd District), Nelson Dayanghirang (Davao Oriental, 1st District), at Ruwel Peter Gonzaga (Davao de Oro, 2nd District).
Kasama rin sa inaayudahan ang unang distrito ng Davao del Norte at lone district ng Davao Occidental sa pamamagitan ng tanggapan nina Vice Governors De Carlo “Oyo” Uy at Lorna Bandigan.
Bawat distrito ay bibigyan din ng 2,500 food packs, na nagkakahalaga ng P350 kada pack.
Malaking tulong ang financial aid para tugunan ang iba’t ibang aspeto ng relief efforts kasama na ang pagsasaayos ng maliliit na istruktura, tulong medikal at ayuda sa mga displaced family.
Inihahanda naman na ang food packs na tiniyak na ankma sa nutrisyunal na pangangailangan ng mga indibidwal at pamilya.