Sinimulan na ng binuong quinta committee ng Kamara de Representantes nitong Martes ang isang malawakang imbestigasyon hinggil sa pagtaas ng presyo ng pagkain, smuggling, manipulasyon ng presyo, at kagutuman mga pangunahing nagpapahirap sa milyun-milyong Pilipino na makakuha ng abot-kaya at sapat na suplay ng pagkain.
Ang Murang Pagkain Supercommittee na itinatag sa ilalim ng House Resolution (HR) No. 254 na inihain ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez—ay nagsagawa ng unang pagdinig kung saan limang pangunahing komite ang pinagsama, na ang tungkulin ay tukuyin ang mga kakulangan sa mga programa ng gobyerno at panagutin ang mga responsable sa pang-aabuso sa merkado.
Ang supercommittee ay binubuo ng mga Komite sa Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, at ng Special Committee on Food Security.
Binigyan diin ni Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda, chair of the Ways and Means Committee at lead chair ng supercommittee, ang mahalagang papel ng pinagsamang komite sa imbestigasyon.
Binanggit naman ni Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron, chair ng Committee on Trade and Industry, ang matagumpay na itinatag na Clark National Food Hub at mahusay na sistema ng pampublikong pamilihan sa Iloilo.
Ipinunto ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, pinuno ng Committee on Agriculture and Food, ang kahalagahan ng mga bagong lehislatibong hakbang upang labanan ang mga pang-aabuso sa sektor ng agrikultura.
Ipinunto rin niya ang pangangailangan na amyendahan ang Rice Tariffication Law upang palakasin ang kakayahan ng Department of Agriculture na ayusin ang presyo ng bigas at kontrolin ang suplay nito.
Ayon naman sa iba pang mga lider ng supercommittee ang mas malawak na epekto ng kakulangan sa seguridad sa pagkain.
Sinabi ni Nueva Ecija 3rd District Rep. Rosanna “Ria” Vergara, ng Social Services Committee, ang nakapipinsalang epekto ng mga natural na kalamidad sa sektor ng agrikultura.
Ipinahayag naman ni Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma, lider ng Special Committee on Food Security, na ang seguridad sa pagkain ay isang pangunahing karapatang pantao.
Ipinakita rin ng supercommittee ang mga datos na naglalarawan ng mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng abot-kayang pagkain.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang pagkain ang pinakamalaking bahagi ng gastusin ng bawat pamilya, at ang bigas ang pangunahing dahilan sa pagtaas ng mga gastusin.
Binigyang-diin ni Salceda ang matinding epekto ng mataas na presyo ng pagkain sa mga pinaka-mahihirap na sektor ng populasyon.
Bibigyang-tuon sa imbestigasyon ang paglikha ng mga polisiya upang mapanatili ang presyo ng pagkain, masawata ang smuggling, at maitaas ang kabuhayan lalo na sa agricultural sector.
Umaasa ang mga stakeholders at mga mambabatas na ang inisyatibong ito ay magsisilbing isang mahalagang hakbang sa laban ng bansa sa pagkakaroon ng sapat na mapagkukunan ng pagkain.