-- Advertisements --

Tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa nakaambang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. 

Ngayong araw, Marso 18, nagsagawa ng ocular inspection sa Senado ang mga opisyal ng House of Representatives, sa pangunguna ni House Secretary Reginald Velasco upang masuri ang mga gagamitin para sa paglilitis. 

Nakapwesto na rin sa plenaryo ng Senado ang witness stand kung saan una nang ginamit sa impeachment trial kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. 

Sinabi ni Velasco na masaya siya na makita ang mga pasilidad na gagamitin para sa impeachment trial. 

Hiniling nila na magkaroon ng dalawang kwarto na gagamitin ng 11 prosecutors at secretariat support group. 

Samantala, sinabi naman ni Senate Secretary Renato Bantug, sa ngayon ay wala pang major expense o malaking gastos na inilalabas ang Senado. 

Bukod sa pag-refurnish ng in-house witness stand na ginamit kay Corona at robes na susuotin ng mga senator-judge, wala pang malaking gastos na inilalabas ang mataas na kapulungan. 

Kaugnay naman sa makatutuwang ng senado na mga abogado, sinabi ni bantug na may nakakausap na sila na tutulong sa pagbuo ng rules at procedures ng impeachment trial.

Pagdating sa kulay ng robe na susuotin ng mga senator-judge, sinabi ni Bantug na maroon ang kulay kapareho lamang sa ginamit noong nilitis si Corona. 

Tatlong senador na rin aniya ang nakapagpasukat ng robe at target na matapos ang pagsusukat hanggang sa susunod na linggo. 

Sa huli, sinabi ng kalihim ng Senado na tuloy-tuloy ang komunikasyon nila sa kanilang counterpart sa kamara  para sa impeachment trial kay VP Sara.