Mahigpit na binabantayan ng Kamara ang mga posibleng epekto sa ekonomiya ng Pilipinas nang pagpapasabog kamakailan sa dalawang oil facility sa Saudi Arabia.
Pahayag ito ni House Speaker Alan Peter Cayetano matapos sabihin ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin na malaki ang magiging epekto sa Pilipinas ng naturang pangyayari.
Iginiit ni Cayetano na ang insidenteng ito ay makakaapekto hindi lamang sa macroeconomic assumptions sa 2020 budget, kundi sa ekonomiya ng Pilipinas sa kabuuan.
Dahil dito, sinabi ng lider ng Kamara na posibleng magkaroon ng pagbabago sa pondong gugulungin ng pamahalaan para sa susunod na taon.
“Binabantayan natin yung nangyari sa Saudi Arabia, kung yung presyo ng langis talaga ay maiibsan yung ating concerns by the US announcing that they’re ready to release some of their reserves o kung tataas pa rin ang presyo,” ani Cayetano.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang plenary debates ng Kamara para sa 2020 proposed P4.1-trillion national budget.
Ayon kay Cayetano, na kinokonsidera nilang magkaroon ng adjustments sa budget ng agriculture, education, energy, at health sector.
Nauna na niyang sinabi na balak nilang i-reallocate sa ilalim ng 2020 budget para gamitin sa pagbili ng mga palay mula sa mga lokal na magsasaka, at para isaayos ang mga kampo ng militar sa buong bansa.