Inihayag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pakikidalamhati at pakikiisa ng Kamara de Representantes sa mga residente ng Myanmar at Thailand na tinamaan ng magnitude 7.7 lindol sa kumitil ng maraming buhay at nagdulot ng malawakang pinsala.
Nagpaabot ng pakikiramay si Romualdez sa dalawang bansa kasabay ng pagbibigay diin sa importansya ng pangrehiyong kooperasyon sa panahon ng mga malakihang kalamidad.
Ayon kay Speaker na sila ay lubos na nalulungkot sa nangyaring trahedya.
Siniguro nito ang tulong ng Pilipinas para sa nasabing bansa.
Tumama ang malakas na lindol sa rehiyon ng Mandalay sa Myanmar noong Marso 28, kung saan 1,600 katao ang napaulat na nasawi, ikinasugat ng marami at nagdulot ng malawakang pagkasira sa mga imprastraktura.
Ang kalapit naman nitong Thailand, partikular ang Bangkok ay naapektuhan din ng lindol kung saan 10 ang naitalang nasawi at nagdulot ng pagkasira ng mga istruktura.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa dalawang bansa at mga Pilipinong naninirahan doon na nakahanda ang administrasyong Marcos at Kamara de Representantes sa pagbibigay ng agarang tulong bilang pangako ng Pilipinas na umasiste sa mga kalapit bansa na panahon ng pangangailangan.
Hinikayat din niya ang mga mambabatas na aktibong bumuo ng panukala para mapalakas ang kahandaan at mapatatag ang disaster resilience sa lahat mg rehiyon kasabay ng pagbibigay diin kahalagahan ng pagtutulungan sa panahon ng kalamidad.
Kinilala din ni Speaker Romualdez ang pagsisikap ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DoH), na mabilis na kumilos para tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Myanmar at Thailand habang inihahanda rin ang tulong sa mga apektadong komunidad.
Umapela din ang Speaker sa international community na magpaabot ng karampatang tulong sa Myanmar at Thailand, lalo na aniya at ang malaki ang pinsalang tinamo nito ay nangangailangan ng kolektibong tugon ng buong mundo.