Natanggap na ng Kamara ang kopya ng petisyon na isinampa ng kampo ng Bise Presidente para kuwestyunin ang impeachment proceedings at ayon kay House Majority Leader Jill Bongalon, pag-aaralan nila ang mga gagawin.
Siniguro ng mga miyembro ng 11-man House prosecution team na kinabibilangan nina Rep Rodge Gutierrez, Rep. Ysabel Maria Zamora at Jill Bongalon na handa ang House prosecution team na iharap ang kanilang kaso laban kay VP Sara sa sandaling magtipon ang Senado para simulan ang paglilitis.
Ayon naman kay House Secretary General Reginald Velasco na ang Office of the Solicitor General ang counsel ng House of Representatives kaugnay sa petisyon na inihain ni VP Sara sa Supreme Court.
Inatasan ng Supreme Court ang House of Representatives na magbigay ng komento kaugnay sa inihaing petisyon ni VP Sara na ipawalang bisa ang impeachment complaint.
Sinabi ni Velasco nai-refer na sa Solicitor General ang nasabing asunto.
Samantala, consistent ang posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi nakialam sa impeachment process ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ganito rin anya ang posisyon ng Pangulo na hindi siya magpapatawag ng special session – ibig sabihin nirerespeto niya ang tungkulin ng Senado na magsisilbing impeachment court.
Ayon kay 1-Rider Partylist Representative Rodge Gutierrez, isa sa miembro ng 11-man House prosecution team, ang responsibilidad ng pag-convene bilang impeachment court ay nakasalalay sa Senado, alinsunod sa ating Saligang Batas.
Sa panig ni Rep. Ysabel Maria Zamora ng San Juan, kasama rin sa House prosecution team, base sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon, isa nang impeachment court ang Senado kahit sa panahon ng recess at hindi na kinakailangang ipatawag ng Pangulo ang isang special session.
Sabi ni Zamora, pinagtibay din ito sa desisyon ni Pangulong Marcos na hindi makialam dahil sa prinsipyo ng hiwalay na kapangyarihan sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno.