-- Advertisements --

Nirerespeto ng House of Representatives ang inihaing petisyon laban sa Maharlika Investment Fund (MIF) na bahagi ito ng isang demokratikong proseso at karapatan ng bawat indibidwal.

Nanindigan naman ang Kamara na nasunod ang proseso ng lehislatura sa pag-apruba ng panukala na naging Maharlika Investment Fund Act of 2023 o ang Republic Act (RA) No. 11954.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez na kinikilala ng Kamara ang demokratikong proseso at ang karapatan ng bawat indibidwal na gumamit ng legal na pamamaraan para sa kanilang nais na kuwestyunin.

Paliwanag ng Kamara, ang kanilang intensyon ng aprubahan ang Maharlika Investment Fund Act ay maisulong ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, matugunan ang kahirapan at makalikha ng oportunidad sa mga Pilipino na makapagtrabaho.

Kumpiyansa naman ang Kamara sa magiging patas ang desisyon ng Supreme Court hinggil sa inihaing petisyon.

Iginiit din ng Kamara ang kahalagahan na ituon ang atensyon sa mga bagay na makakatulong sa mga Pilipino.