-- Advertisements --

Obligado umano ang Kamara de Representantes na aksyunan ang inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil mandato ito ng Konstitusyon.

“We have the constitutional duty, and we’re bound by that mandate to act on all impeachment complaints filed with the House,” ani House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs.

Bagamat may personal na pag-aalinlangan, sinabi naman ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality, kailangang gampanan ng Kongreso ang mandato na sinasaad sa Konstitusyon.

Una nang hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang kanyang mga kaalyado sa Kongreso na huwag nang ituloy ang mga planong impeachment laban kay Duterte, na aniya’y hindi ito makabubuti sa mga Pilipino at makakaabala lamang sa pagtutok ng Kongreso sa mas mahahalagang isyung pambansa.

Sa kabila nito, nagsampa ng magkahiwalay na reklamong impeachment ang mga lider ng civil society at religious group, pati na rin ang Makabayan bloc, na nag-akusa kay Duterte ng mga paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, panunuhol, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at iba pang malalaking krimen.

Tinukoy ni Acidre ang hakbang bilang patunay ng pagnanais ng publiko para sa pananagutan.

“Siguro nitong paghahain ng impeachment complaint ng mga civil society groups ay isa lamang pagpapatunay na ang taong-bayan mismo ay naghahanap ng accountability sa kanilang mga halal na pinuno, lalung-lalo na sa kasong ito ng Bise Presidente,” ayon sa kongresista.

Tiniyak naman ni Roman sa publiko na ang proseso ng impeachment ay isasagawa nang tapat at naaayon sa rule of law.
“Lahat ng dapat, what we have to take in mind, for example, the questions of whether it is correct in form and in substance and siyempre papakinggan natin lahat ng panig. Due process will be followed,” dagdag pa ni Roman.

Ipinaalala pa ni Acidre na ang paghahain ng impeachment ay tumutugma sa mga patuloy na hakbang ng Kamara upang isulong ang pananagutan.

Ang reklamo ay dapat isumite sa plenaryo sa loob ng 10 session days, habang ang Justice Committee ang magtutukoy kung ito ay sufficient in form and substance upang magpatuloy.

Sa kabila ng mga kinakaharap na hamon, binigyang-diin ni Roman ang determinasyon ng Kongreso na tuparin ang kanyang mga tungkuling konstitusyonal.