Nakahanda ang Kamara na sumunod sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na mag-convene para magsagawa ng special session kahit naka-break para planuhin ang contingency plans sa lumalalang tensyon sa Middle East.
Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na handa ang lehislatibo na makipagtulungan sa ehekutibo matiyak lamang ang kaligtasan ng mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.
“We agree with the President’s pronouncement that the rising tension in the Middle East is a major concern that needs urgent legislative attention,” ani Romualdez.
“Their safety is our primordial concern at the moment,” dagdag pa nito.
Ayon sa kongresista, bukas silang bigyan ng sapat na kapangyarihan ang ehekutibo para sa usapin na ito.
Bagama’t hinihintay pa sa ngayon ang pormal na komunikasyon o utos mula sa Pangulo, sinabi ni Romualdez na inatasan na ni Speaker Alan Peter Cayetano ang House Secretariat na maghanda para sa isasagawang special session kung sakali.
Sa ilalim ng Section 87, Rule XI ng House Rules, ang Speaker, sa pakikipagkonsultasyon sa majority and minority leaders at kanilang counterpart sa Senado ay maaring ipag-utos ang pag-convene ng Kamara anumang oras kapag naka-break ang sesyon para talakayin ang ilang mahahalagang usapin.