Pinapurihan ng Kamara ang AFP-Military Intelligence Group, ISAFP, Presidential Anti-Organized Crime Commission at Bureau of Immigration sa pagkakadakip kay Tony Yang o Hongjiang Yang.
Si Yang na nakatatandang kapatid ni dating Duterte Presidential Adviser Michael Yang ay naaresto kagabi paglapag sa NAIA Terminal 3 mula sa Cagayan de Oro dahil sa mission order sa pagiging “undesirable alien”.
Ang pagkaka-aresto kay Yang ay inihayag ni House Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. bago matapos ang hearing kagabi ng Quad Committee.
Nasa Quad Comm hearing si Winston Casio, spokesman ng PAOCC nang matanggap ang balita at agad na ipinarating sa mga miembro ng komite kaya pinayagan itong umalis sa hearing at pumunta sa NAIA Terminal 3.
Ayon kay Gonzales, mas mapabibilis na ngayon ang paghahanap at pag-aresto sa kapatid nito na si Michael Yang at inaasahan na matutukoy ang ugnayan nilang magkapatid sa isyu ng money laundering, drug trafficking at pogo.
Matatandaan, sa mga naunang hearing ng Quad Comm, lumutang na ang pangalan ng mga Yang na may kaugnayan kay Alice Guo.
Nauna na rin na ipinag-utos ng Quad Comm ang pag-aresto kay dating Duterte presidential adviser Michael Yang o Hong Ming Yang dahil sa pagkakasangkot sa P3.6 billion drug buy bust sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.