ILOILO CITY – Ipapatawag ng 18th Congress ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) hinggil sa Recto Bank incident sa West Philippine Sea.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, sinabi nito na gagawa ito ng resolusyon hinggil sa sinasabing pagbangga ng Chinese vessel sa F/B GemVer 1 kung saan lulan ang 22 mga mangingisdang Pinoy.
Ayon kay Zarate, nais nitong mabigyan ng linaw hinggil sa naging basehan ng umano’y nag-leak na final report ng PCG at Marina sa insidente.
Napag-alaman na batay sa ulat, bigo umano ang China na tumugon sa posibilidad na nabangga ng barko nito ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda na naglalayag sa Recto Bank.
Inihayag ni Zarate, tila paninisi pa sa mga biktima ang nilalaman ng naturang ulat.
Maliban sa PCG at Marina, ipapatawag rin ng Kamara ang mga mangingisdang pinoy na nagpalutang-lutang sa dagat, makaraang sagasaan ng Chinese vessel.